BALITANG TOKSIK! | February 22, 2024

Ang mercury o asoge ay elementong kemikal na natural na matatagpuan sa kalikasan. Isa itong metal na karaniwang may anyong likido. Ginagamit ang mercury bilang sangkap sa mga skin whitener dahil sa kakayanan nitong pigilan ang melanin production sa katawan ng tao.

Subalit ang mercury ay lason. Ang regular na paggamit ng skin whitener na may mercury ay maaaring magdulot ng paghina ng immunity laban sa fungal at bacterial infection, na siya namang sanhi ng pamamantal, pangangati, at pamumula ng balat.

Dahil ang mercury ay indestructible o hindi naglalaho, maaari itong maipon sa katawan ng tao. Kung kaya ang tuloy-tuloy na paggamit ng mga skin whitener na may mercury ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa nervous system, digestive system, immune system, at maging sa mata, baga, kidney, at utak ng tao.

Maraming mga produktong pampaputi na ibinebenta sa ngayon ang naglalaman ng sobra-sobrang mercury, kabilang ang mga sumusunod, na ipinagbabawal na rin ng Food and Drug Administration:

1. Goree Beauty Cream with Lycopene with SPF30 Avocado & Aloevera – (FDA Advisory No. 2017-289 / FDA Advisory No. 2023-2344)

2. Goree Day & Night Whitening Cream Oil Free – (FDA Advisory No. 2017-289 / FDA Advisory No.2023-2391)

3. Goree 24K Gold Beauty Cream – (FDA Advisory No. 2023-2392)

4. C Collagen Plus Vit E Day and Night Cream – (FDA Advisory No. 2021-0646 / FDA Advisory No.2023-1542)

5. Golden Pearl Beauty Cream – (FDA-Advisory No. 2021-3060)

6. Temulawak Day & Night Cream – (FDA Advisory No. 2022-1347)

7. Jiaoli Miraculous Cream – (FDA Advisory No. 2012-016)

8. S’Zitang 10 Days Eliminating Freckle Day & Night Set – (FDA Advisory No. 2018-183)

9. O White Extra Cream – (FDA Advisory No. 2023-0086)

10. White Gold Anti-marks Cream Extra Whitening – (FDA Advisory No. 2022-1255)

11. Parley Goldie Advance Beauty Cream Pearl Shine – (FDA Advisory No.2021-3043)

12. Erna Whitening Cream – (FDA Advisory No. 2013-053)

13. Feique Cucumber Anti-Wrinkle Whitening Set – (FDA Advisory No. 2015-025)

14. 88 Total Underarm Whitening Cream – (FDA Advisory No. FDA Advisory No. 2021-1187)

15. Puteri Ratu Treatment Cream – (FDA Advisory No.2021-3069)

Noong Hulyo 8, 2020, pormal na pinagtibay ng gobyerno ng Pilipinas ang ratipikasyon ng Minamata Convention on Mercury, ang kauna-unahang legally binding global treaty na naglalayong protektahan ang kalusugan ng mamayan at kalikasan sa panganib na hatid ng polusyon mula sa mercury at mercury compounds.

Sa kasalukuyan, ipinagbabawal ng Minamata Convention ang mga skin lightening products (SLPs) na may mercury content na mas mataas sa 1 part per million o katumbas ng 1 microgram per gram. Subalit batay sa pagsusuri ng mga eksperto, mas mataas ng ilang libo ang taglay na mercury content ng mga SLPs na ipinagbabawal ng FDA, kung saan ang ilan ay umaabot pa ng 70,000 parts per million.

Hindi lang ang gumagamit ng SLPs na may mercury ang posibleng makaranas ng masamang epekto nito sa kalusugan. Dahil ang mercury ay may kakayanang mag vaporize o humalo sa hangin, maaari rin itong malanghap ng mga taong nasa paligid, o di kaya naman ay kumalat sa iba sa pamamagitan ng contact. Maaari ring maapektuhan ang development ng mga bata, sanggol, at mga nasa sinapupunan pa, kung ang mga ito ay ma-expose sa mercury.

Nanawagan ang BAN Toxics sa ating mga kababayang consumer at manininda na iwasan na ang ganitong mga produkto. Tiyakin na ang mga produktong ibinebenta o ginagamit ay aprubado ng Food and Drug Administration. Ang ating kalusugan at kapaligiran ang nakasalalay dito.

Pangalagaan ang kalusugan at kalikasan, itigil ang pagbebenta ng ipinagbabawal na mga pampaputi na may mercury!

#BANToxics#Notomercuryaddedcosmetics#MakeMercuryHistory#toxicfreefuture