UNDAS 2024 | 21 October 2024
Sa nalalapit na pagdiriwang ng undas, muling nanawagan sa publiko ang Waste Pollution Watchdog na BAN Toxics na “iwasan at bawasan” ang pagkakalat ng peligrosong basura, bagkus, pag-ibayuhin ang pagrespeto sa mga lugar himlayan ng mga yumao.
Bahagi na ng kulturang Pilipino ang pagdalaw at pag-aalay ng kandila at bulaklak sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay tuwing “All Saints Day” at “All Souls Day” na ginugunita tuwing Nobyembre 1 at 2. Milyon-milyong mga Pilipino ang dumadagsa sa mga sementeryo sa buong bansa sa mga araw na ito subilit sa kasamaang palad, tone-toneladang basura ang naiiwan matapos ang pagdalaw.
Kakulangan ng sistema sa pangangasiwa ng basura o pagpapatupad ng patakaran sa loob ng mga sementeryo, ang walang humpay na pagtatayo ng mga tindahan sa labas ng sementeryo na kadalasang gumagamit ng mga single-use plastics tulad ng plastic straw, plastic cups, at ang nakasanayang walang habas na pagtatapon ng basura, ang kadalasang dahilan kung bakit nagmimistulang tambakan ang mga sementeryo.
Nananawagan ang BAN Toxics na iwasan at bawasan ang basura sa mga sementeryo at panatilihin ang kalinisan bilang respeto na sa mga yumaong mahal sa bahay. Pairalin ang maayos na sistema ng pangangasiwa ng basura at magpatupad ng panuntunan ang lahat ng mga namamahala sa mga sementeryo sa buong bansa.
Narito ang ilang gabay sa publiko upang mapanatiling malinis ang mga sementeryo sa pagdiriwang ng undas:
1. Magdala ng mga reusable at washable na kagamitan sa pagkain at inumin. Iwasang gumamit ng disposable plastic utensils, single use plastics, at styrofoam na kalaunan ay magiging basura.
2. Magdala ng sapat na pagkain at inumin na ‘di madaling masira/mapanis upang maiwasan ang “food waste” o pagtatapon ng mga tira-tirang pagkain sa loob ng sementeryo.
3. Mag alay ng sapat na kandila at bulaklak, kung maaari ay iuwi na lamang din ang mga ito pagkatapos ng bisita. Piliin ang mga ordinaryong kandila at iwasan ang “lead-core wick” o mitsang may lead wire upang makaisawas sa pagkalantad ng nakalalasong kemikal. Sa bulaklak, iwasan ang mga nakabalot sa plastic upang makabawas sa paglikha ng plastic pollution.
4. Sa paggamit ng pintura, siguraduhin na ito ay may tatak o label na “Lead-Safe Paint.”
Pag-aalay ng panalangin at taimtim na paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay ang hangarin ng pagpunta sa mga sementeryo. Hindi kailangang gumastos, at lalong hindi dapat magkalat ng basura. Pangalagaan natin ang kapaligiran ngayong Undas.