Ngayong Enero, ginugunita ang International Zero Waste Month (IZWM)  na naglalayong ipalaganap ang mga prinsipyo at gawain ng zero waste movement sa buong mundo. Sa pangunguna ng GAIA (Global Alliance for Incinerator Alternatives), BFFP (Break Free From Plastic), at iba pang environmental groups kabilang ang BAN Toxics, isinusulong ngayong buwan ang temang #FoodWasteNoMore upang bawasan ang nalilikhang basura kabilang ang food waste, at magpalaganap ng kaalaman hinggil rito.

Kailan nagsimula ang Zero Waste Month?

Noong 2012, unang inilunsad sa bansa ang Zero Waste Month nang maghain ng Zero Waste Youth Manifesto ang sektor ng mga kabataan. ​​Noong 2014, opisyal na idineklara ang buwan ng Enero bilang “Zero Waste Month” sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 760 na pinirmahan ni dating pangulong Benigno Aquino III. Sinimulan ang pagdiriwang nito sa buong mundo noong 2023.

Ano ang  Zero Waste?

Ang likas yaman ng daigdig ay limitado at may hangganan. Ito ang batayan ng prinsipyong Zero Waste na nangangahulugan ng responsableng paggamit sa ating likas na yaman bilang solusyon sa krisis sa basura.

Isinusulong ng Zero Waste ang pagbabawas ng produksyon at pagkonsumo bilang pangunahing solusyon upang mabawasan ang nalilikhang basura. Ibig sabihin, kinikilala nito na hindi sapat na solusyon ang recycling at reuse lamang, kung hindi, kailangan magsimula sa pinagmumulan mismo ng basura.

Sang-ayon sa prinsipyong ito ang Zero Waste Hierarchy na nagsisilbing gabay sa pagtukoy ng prayoridad sa pagtugon sa kiris sa basura.

Zero Waste Hierarchy

  1. Refuse/Rethink/Redesign – Iwasan ang hindi kinakailangang pagkonsumo at pag-isipan ang mga produktong gagamitin. Huwag tangkilikin ang mga produktong madaling masira at nagdudulot ng pinsala sa kalikasan at kalusugan. Magpaunlad ng mga sustenableng pamamaraan, teknolohiya at produkto.
  2. Reduce and Reuse – Bawasan ang produksyon at pagkonsumo ng mga produktong umuubos ng likas na yaman. Pahabain ang buhay ng mga produkto sa pamamagitan ng repair, refurbish at repurpose.
  3. Preparation for Reuse – Ipanumbalik sa maayos na kondisyon ang nagamit na produkto upang muli itong mapakinabangan ng hindi nangangailangan ng mahabang pagproseso ng materyales.
  4. Recycling/Composting/Anaerobic Digestion – Gawing bagong produkto ang mga basura bilang mahalagang rekurso gaya ng compost at biogas.
  5. Material Recovery – Kunin ang mga maaring pang gamiting materyales sa mga basura upang mabawasan ang basurang napupunta sa mga landfill.
  6. Residual Management – Isaayos ang pangangasiwa ng mga basurang hindi na mapapakinabangan at tiyakin na hindi ito makakaapekto sa kalusugan ng publiko at kalikasan.
  7. Unacceptable -Tukuyin at ipagbawal ang mga nakakasamang pamamaraan o materyales na hindi angkop sa prinsipyo ng Zero Waste.

Bakit #FoodWasteNoMore?

Batay sa 2024 Food Waste Index Report ng UN Environment Programme, 783 milyong mamamayan ang nakakaranas ng gutom, ngunit mahigit 1 bilyong toneladang pagkain ang itinatapon kada araw. Noong 2022, tinatayang 1.05 bilyong tonelada ng pagkain ang nasayang at ibinasura mula sa mga pamilihan (12% o 131 milyong tonelada), food services (28% o 290 milyong tonelada) at mga tahanan (60% o 631 milyong tonelada) sa buong mundo. Umabot naman sa 2.95 milyong tonelada ng food waste bawat taon o 26 kilograms per capita per year ang nagmula sa mga tahanan sa Pilipinas noong 2024.

Ayon sa UN Climate Change, nagdudulot ang food waste ng 8-10% ng global emission ng greenhouse gases. Ito ay halos limang beses ang laki sa kabuuang gas emission mula sa aviation sector at nagdudulot ng lubhang pagkawala ng biodiversity, gamit ang halos 30% ng lupang agrikultural sa buong mundo.

Batay sa National Center for Biotechnology Information, kabilang ang food waste sa malaking pinagmumulan ng CH4 (Methane), CO2 (Carbon Dioxide), H2S (Hydrogen Sulfide), N2O (Nitrous Oxide), at PM 2.5 (Particulate Matter 2.5 micrometres), na maaaring makaapekto sa kalusugan ng tao at maging sanhi ng mga sakit gaya ng respiratory diseases.

Sa ulat ng World Food Programme, malaking rekurso ang kinakailangang gamitin para sa produksyon ng pagkain. Ang nasayang na pagkain ay nangangahulugan ng naaksayang lupa, tubig, enerhiya, at lakas-paggawa. Umaabot sa 1 trilyong dolyar taun-taon ang nasasayang sa pandaigdigang ekonomiya dahil sa food waste.

Ano ang iyong magagawwa para bawasan ang Food Waste?

  • Gumawa ng meal plan bago bumili ng pagkain.
  • Bumili ayon sa pangangailangan sa loob ng isang linggo lamang.
  • Alamin ang wastong pag-iimbak ng pagkain sa refrigerator, freezer o pantry.
  • Gamitin ang First in, First out na paraan ng paglalagay ng pagkain sa refrigerator. Ilagay ang mga bagong bili na pagkain sa likod ng lumang pagkain.
  • Magluto o maghain ng pagkain ayon sa bilang ng mga taong kakain. 
  • Gamitin ang mga tira-tirang pagkain upang gawing ibang putahe.
  • Maaring gawing smoothies o jam ang mga sobra sa hinog na prutas o gulay.
  • Sundin ang expiration dates sa paggamit ng mga produkto.
  • Kumain ng mas maliit na serving ng pagkain.
  • Ihiwalay ang food waste sa mga basurang di-nabubulok
  • Sumunod sa tamang araw ng koleksyon para sa basurang nabubulok. Kung hindi naipapatupad ang tamang araw ng koleksyon para sa iba’t ibang tipo ng basura, makipag-ugnayan sa inyong barangay o lokal na pamahalaan.
  • Gawing compost o organikong pataba sa halaman at lupa ang food waste. Alamin ang tamang proseso ng composting. Gumamit ng compost bin o vermiculture (pag-aalaga ng earthworms) upang mas mapabilis ang decomposition ng food waste. Maaari kang magsimula ng urban gardening.
  • Paalala: Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusunog ng basura!

“Upang masolusyunan ang krisis sa basura, kinakailangang baguhin ang pananaw ng mga namumuno at publiko sa labis na produksyon at pagkonsumo, na umuubos ng ating likas na yaman at pumipinsala sa ating kalikasan at kalusugan. Kinakailangan din na bigyang halaga ang bawat pagkaing nalilikha at tiyakin na hindi nasasayang ang mga ito, lalo pa at marami ang nagugutom sa mundo.”

  • Rey San Juan, Executive Director, BAN Toxics

#GoForZeroWaste #IZWM2025 #ZeroWasteIsNow #FoodWasteNoMore